Dapat nang i-ban ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ang apela ni House Committee on Appropriations vice chairperson at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa senado at sa mga kapwa mambabatas sa harap ng kidnapping incidents na kinasasangkutan ng ilang Chinese POGO workers.
Ayon kay Garin, ang sunud-sunod na insidente ng pagdukot at iba pang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese ay nagdudulot na ng pangamba sa mga nais mamuhunan sa bansa.
Bagaman malaki anyang revenue ang pinapasok ng POGO sa PAGCOR, hindi naman ito sapat kung patuloy na masisira ang imahe ng Pilipinas.
Iginiit ng kongresista na nagsisilbi ng pugad ng undesirable aliens, illegal drugs, human trafficker, prostitution at iba pang sindikato ng money laundering at iba pang ilegal na aktibidad ang mga POGO.
Taong 2003 nang magsimula ang underground operation ng mga pogo sa Pilipinas pero naging fully operational simula noong 2016 matapos gawing legal sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.