Mabigat na pagpapataw ng tax sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa halip na sa mga small-time online sellers.
Ito ang isinusulong ngayon ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri makaraang obligahin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga online sellers na magparehistro sa ahensya upang matiyak ang pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Zubiri, hindi lamang “insensitive” kun’di hindi rin kinakailangan ang naturang hakbang ng BIR.
Karamihan aniya sa mga online sellers na ito ay naghahanap-buhay upang mairaos lamang ang pandemyang nararanasan sa bansa at kawalang-puso kung pakikialaman pa ang natatangi nilang pinagkukuhanan ng kita.
Sa halip aniya na ang mga maliliit na online sellers ang patawan ng tax, iminungkahi ni Zubiri na ang POGO industry, na mistula aniyang virus na lumalaganap sa Pilipinas, ang dapat patawan ng mabigat na excise tax o franchise tax.
Bakit aniya hahayaang magdusa ang mga small-time online sellers na Pinoy mula sa takot ng pagbabayad ng tax at hinahayaang mag-operate ang mga dayuhang POGO operators habang iniiwasan o di kaya’y under paying aniya sa pagbabayad ng tax.
Samantala, tiniyak naman ni Zubiri na hindi makatatanggap kahit katiting na suporta mula sa Senado ang sinumang magbabalak na magpataw ng tax sa mga online sellers.