Naibalik na ang mga police security escort ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na unang binawi ng PNP.
Ito ay matapos umano makipagpulong ni Aquino kay Pangulong Rodrigo Duterte at payagang maibalik ang kanyang mga security escort.
Gayunman, binawasan ito at ginawa na lamang 4 mula sa dating 15.
Ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, nakabatay ang kanyang pasiya sa “alunan doctrine” ni dating Interior secretary Rafael Alunan kung saan limitado lamang sa 2 ang maaaring ibigay na police escort sa bawat nangangailang indibiduwal.
Makukunsidera na aniyang private army ang higit pa sa nasabing bilang.
Samantala, sinabi ni Central Luzon Police Director Brig. General Joel Napoleon Coronel na meron lamang 4 na security escort si Aquino sa loob ng 30 araw habang pinoproseso pa aniya ang request nito sa police security protection group.