Paiigtingin ng mga Police Unit Commanders sa buong bansa ang kanilang presensya lalo na sa mga highly urbanized areas.
Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID-19 Shield, ito’y kasunod ng unti-unting pagluluwag ng quarantine restrictions sa bansa.
Paliwanag ni Eleazar, kinakailangan pa rin kasing mahigpit na maipatupad ang mga umiiral na safety protocols lalo na sa mga lugar na may mataas pang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pagdidiin pa ni Eleazar, bagamat unti-unti nang binubuksan ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpayag sa pagbabalik-operasyon sa ilang mga business establishments, ay dapat pa ring mag-ingat ang publiko para makaiwas sa banta ng virus.
Kaugnay nito, inamin ni Eleazar na kakaunti ang kanilang mga tauhan pero hindi ito magiging hadlang sa pagbibigay serbisyo ng mga ito lalo’t pinayuhan na nito ang mga unit commanders na makipag-ugnayan sa nakasasakop na lokal na pamahalaan para mabigyan ang mga ito ng ‘force multipliers’. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)