Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng unit commander sa Metro Manila na paigtingin ang police visibility partikular na sa mga matataong lugar.
Ito’y makaraang ibaba na sa Level 3 ang Alerto sa National Capital Region kasunod ng pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Una rito, nabahala ang Department of Health (DOH) at mga health experts dahil sa tila pagsasawalang bahala ng publiko sa mga umiiral na health protocol ngayong maaari na silang lumabas ng bahay para sa recreational activities.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, nauunawaan nila ang pagkabahala ng mga kinauukulan kaya naman kaniya nang pinakikilos ang kanilang mga tauhan para maglatag ng angkop na mga hakbang.
Kabilang na rito aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng public health and safety standards sa mga simbahan, mall, pasyalan at iba pang matataong lugar sa Metro Manila na dinagsa mula nang magluwag ang ipinatutupad na Alert Level system. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)