Asahan na ang mas maraming pulis na makikita sa mga kalsada ngayong papalapit na Semana Santa gayundin sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan ng mga kapatid na Muslim.
Ito’y ayon kay PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ay bahagi ng kanilang pinaigting na operasyon ngayong panahon kung saan marami ang magbabakasyon sa kani-kanilang mga lalawigan.
Ayon kay Carlos, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero’t turista palabas ng Metro Manila at papasok sa mga lalawigan, magdaragdag pa ng mga tauhan ang PNP sa mga places of convergence tulad ng mga Terminal ng Bus, Pantalan at Paliparan.
May mga Police Assistance Desk din aniya siyang pinalatag upang magbigay tulong at umalalay sa publiko sa panahon ng kanilang pagbabakasyon at makatugon sa anumang emergency na maaaring mangyari.
Kasunod nito, inatasan na ni Carlos ang PNP Highway Patrol Group o HPG na tutukan ang road safety ng publiko na magsisipagbiyahe upang matiyak ang kanilang kaligtasan at mapayapang pagbabakasyon.