Siniguro ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mas paigtingin pa ang kanilang police visibility sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila, oras na mapagdesisyunang alisin ng mga local government unit (LGU) ang curfew sa kani-kanilang lungsod.
Ayon kay PNP Chief General Camilo Cascolan, daragdagan pa nila ang kanilang i-dedeploy na mga kawani ng pulisya sa mga pangunahing kalsada para masigurong ligtas ang publiko.
Paliwanag kasi ng PNP Chief, oras na tanggalin ang curfew, mas malaki ang tiyansang samantalahin ito ng mga kawatan.
Ang naturang hakbang ni Cascolan, ay bahagi ng kanyang 9-point agenda para paigtingin ang visibility ng kanilang hanay para mapanatag ang isip ng publiko hinggil sa kanilang kaligtasan.
Nauna rito, inihayag ni Mentro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, na kabilang sa kanilang agenda sa susunod na pagpupulong ng mga kapwa Mayors, na tanggalin na ang curfew sa mga sari-sariling lungsod.