Hindi kumbinsido ang Malacañang na makatutulong ang presensya ng mga pulis sa mga eskwelahan para mahinto ang recruitment ng komunistang grupo sa mga estudyante.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, palihim kasing nanghihikayat ng mga estudyante ang komunistang grupo.
Ani Panelo, maaari lamang mapigilan ng police visibility ang mga posibleng krimen na mangyayari sa paaralan ngunit malabo ang recruitment.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang Malacañang sa mga napapaulat na pagkawala ng ilang mag-aaral dahil ang iba ay namundok o nasawi na.
Una rito, iminungkahi ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na dagdagan ang police visibility sa mga eskwelahan dahil sa recruitment ng komunistang grupo.