Isinasapinal na ng Civil Service Commission o (CSC) ang polisiya hinggil sa mga government worker na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health sa regular swab testing para sa mga manggagawa.
Nagsagawa na rin anya sila ng mga pulong hinggil sa issue at posibleng ilabas nila ang polisiya anumang araw.
Sa ilalim ng Resolution 148-B ng Inter-Agency Task Force, lahat ng establisimyento at employers sa Government at Private sectors ay dapat tiyaking bakunado ang kanilang mga empleyado na sasabak sa On-site work.
Saklaw nito ang mga lugar na mayroong sapat na supply ng COVID-19 vaccines na tinukoy ng National Vaccine Operation Center.
Samantala, inihayag ni Lizada na maaaring mag-volunteer ang mga government worker sa National Vaccination Day simula ngayong araw hanggang December 1 basta mayroon silang office order. —sa panulat ni Drew Nacino