Naguguluhan si Senate Committtee on Electoral Reforms Chairman Senator Imee Marcos sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec) na simula sa Oktubre, ikukunsidera na nilang bahagi ng campaign expenses ang political ad sa social media
Ayon kay Senator Marcos, bagama’t hindi siya election lawyer, pero ang pagkakaintindi o sa tingin nya maaaring paglabag sa umiiral na batas kung agarang ikunsidera na bahagi ng gastos sa kampanya ang political ads sa social media ng mga kandidato pagkatapos ng filing ng Certificate of Candidacy (COC).
Maliwanag naman aniya na ang campaign period para sa national candidates ay 90 araw bago ang eleksyon kaya’t sa Pebrero 8 pa ito mag uumpisa habang sa local candidates ay 45 days kaya’t sa Marso 25 ito magsisimula.
Maaari aniyang magdulot ng seryosong implikasyon kung agad na ikunsidera na gastos sa kampanya ang political ad sa social media pagkatapos ng filing ng COC dahil hindi ganito ang intensyon ng batas.
Nakipag ugnayan na si Senator Marcos kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon para humingi ng paglilinaw sa bagay na ito. —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19)