Nanawagan sa Commission on Elections (COMELEC) si dating senador at ngayo’y Philippine Red Cross Chairman Richard “Dick” Gordon na ipagbawal na ang mga political advertisement sa telebisyon, radyo at dyaryo.
Ayon kay Gordon, sa halip na magtapon ng pondo ang mga kandidato sa political ads bilang bahagi ng kanilang kampanya ay dapat mag-organisa na lamang ang poll body ng mas maraming public debate o symposium na maaaring idaos sa iba’t ibang lalawigan.
Masyado anyang mahal ang airing sa kada television ad kaya’t napipilitan ang mga kandidato na maghanap ng financier.
Paliwanag ni Gordon, hindi pa man nananalo ang mga kandidato ay mayroon ng utang na loob ang mga ito at kapag nanalo, babawi naman ang mga financier at magiging sunud-sunuran sa kanilang gusto.
Giit ng dating Senador, talo ang bayan sa naturang kalakaran dahil maisusulong lamang ay interes o kapakanan ng iilan at hindi malaya ang mga maluluklok na opisyal na makakapag-pasya na maka-sasamá sa kanilang mga ‘boss’ na tumulong sa kanilang pagkapanalo.
By Drew Nacino