Hindi kumbinsido ang political analyst na si Professor Mon Casiple na magiging maigsi lamang ang State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Casiple, posibleng maging showbiz ang dating ng SONA ng Pangulo dahil mula sa pinilakang tabing ang kukumpas sa programa.
Gayunman, pagdating sa magiging laman ng SONA, sinabi ni Casiple na dapat ay maging malinaw na mga programa at direksyong ikinasa ng Duterte administration sa kanilang dalawang taon sa puwesto.
“Iba ‘yung expectation, iba ‘yung tantiya kong mangyayari, ang expectation normally on your 3rd year, aside from accomplishment ay maliwanag na ang direksyon parang nalagyan na ng laman ang strategic vision mo, ano ang mangyayari mula ngayon hanggang pagkatapos ng term, depende sa isyu eh halimbawa sa federalism marami pang malabong usapin diyan.” Pahayag ni Casiple
Muli namang tiniyak ng Malacañang na hindi na mag-a-adlib ang Pangulong Rodrigo Duterte at tatagal lamang sa 30 hanggang 40 minuto ang kanyang SONA o State of the Nation Address.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, lahat ng gusto ng Pangulo ay naidagdag na niya sa kanyang speech.
Sabay aniya ng rehearsal ng Pangulo na inabot hanggang alas-11:00 kagabi ang pag-edit nito sa kanyang nakahandang talumpati.
Sinabi ni Roque na ang talumpati ng Pangulo ay sesentro sa kanyang mga pangako na kampanya kontra illegal drugs, korapsyon at mabigyan ng maayos na buhay ang mga Pilipino.
(Balitang Todong Lakas Interview)