Hindi na nakapagtataka para sa political analyst na si Ramon Casiple ang resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey kung saan nanguna ang mga babaeng pulitiko habang marami sa nakapasok sa top 12 ay mga re-eleksyonista.
Ito’y kung saan nakuha nina Senadora Grace Poe, Senadora Cynthia Villar, Congresswoman Pia Cayetano at Senadora Nancy Binay ang unang apat na pwesto.
Paliwanag ni Casiple, malaking bentahe ng mga ito ay ang kanilang karanasan bilang mga mambabatas.
May advantage ka na kasi na-elect ka na dati eh. Kilala ka na ng tao, so normal ‘yan. Wala pa akong nakikitang iba. Hindi naman simpleng popularity ‘yan. Sa katunayan, may study kaming ginawa ilang taon ang nakararaan, lumalabas na hindi na popularity ang number one, hindi gaya nung panahon ni Erap. Mas mahalaga sa tao kung makakatulong ka o nakatulong ka na sa kanila dati, iyan ang number one na criteria. Pahayag ni Casiple
Gayunman, iginiit ni Casiple na wala pang bigat ang naturang survey lalo’t napaka-aga pa aniya para tanungin sa kanilang iboboto sa senatorial election ang publiko.
Ang problema kasi sa ganitong survey, hindi pa nag-iisip ‘yung tao ng seryoso eh, hindi pa nga nagfa-file ng candidacy. Usually nangyayari ito kapag after na ng filing, makikita ng tao kung sino ang tatakbo tapos makukumpara na ‘yan. Paliwanag ni Casiple