Maraming magagandang puntos ang inilahad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ulat sa bayan nito kahapon.
Ayon sa political analyst at UP Professor na si Clarita Carlos, ilan sa mga tumatak sa kanya mula sa SONA ng Pangulo ay ang mga inihayag ng Pangulo ukol sa pagmimina, pag-iisyu ng temporary restraining order ng korte sa mga proyekto ng gobyerno at ang bureaucratic reform.
Humanga din si Carlos sa pagharap ni Pangulong Duterte sa mga militante pagtapos ng SONA nito.
“That is something, the fact na bumaba ka at nakipag-usap and listen to them and ask them “Ano bang gusto niyo, mag-usap nga tayo, because I’m willing to listen.” Ani Carlos
Samantala, iminungkahi ni Carlos na sa susunod na SONA ng pangulo ay dapat bigyan na lamang ng outline ang Pangulo at hayaan na itong magsalita at magpaliwanag sa paraang gusto nito.
“Kitang-kita mo yung language difference eh, he’s a speaker, sana maganda kung binigyan na lang siya ng guide at outline and let him talk about it extemporaneously, ang corny nung gumawa ng manuscript, hindi siya, it’s not the President.” Pahayag ni Carlos
Peace talks
Samantala, sang-ayon ang political analyst na si Professor Clarita Carlos sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines o NDFP.
Ayon kay Carlos, walang saysay ang usapang pangkapayapaan lalo’t wala naman aniyang kontrol ang mga pinuno ng NDFP sa kanilang mga miyembro sa ground.
Binigyang diin ni Carlos na sa halip na gastusan ang peace talks na idinaraos pa sa ibang bansa, mas mainam aniyang gamitin na lang ang pondo para sa mga proyektong nakatuon sa mga mahihirap na Pilipino.
“Ito kasing mga tao na nasa ibang bansa na ‘to eh wala na silang damdam kung anong nangyayari sa ground, they have been out for so long I don’t know why we keep on talking to them, so kung ako, tigilan na yang usap-usap na yan, there is so much pretension there, ungkatin na lang natin kung bakit nagkakaroon ng insurgencies, yung pamasahe ng mga taong nagpupunta sa ibang bansa gamitin na lang yan para sa socio economic activities sa mga lugar na sobrang hirap na pinanggagalingan ng mga injustices.” Pahayag ni Carlos
By Ralph Obina | Balitang Todong Lakas (Interview)
“Instructive at maraming nalaman na bago sa SONA ng Pangulo” was last modified: July 25th, 2017 by DWIZ 882