Political will mula sa pamahalaan ang hinihiling ng pamilya ng pinatay na environmentalist/broadcaster Dr. Gerry Ortega upang makamit ang hustisya.
Inihayag ito ni Mica Ortega, panganay na anak ni Ka Gerry makaraang madakip sa Thailand dahil sa kasong overstaying ang magkapatid na dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Mayor Mario Reyes, ang itinuturong masterminds sa pagpatay sa kanyang ama.
Ayon kay Mica, ginawa na ng kanilang pamilya ang lahat ng kanilang magagawa para makamit ang hustisya kaya’t gobyerno naman ngayon ang kailangang kumilos.
“Ang tagal pa po ng laban na ito at alam naming itong magkapatid na ito talagang gagawin nila ang lahat para hindi lang makulong, kung para umusad ang kaso, para ma-solve na talaga ito, para maka-convict tayo ng mastermind, kinakailangan po talaga ng grabeng political will from our government, kinakailangan na po talaga ng suporta ng gobyerno ng ating pamahalaan para po talaga ma-solve na ito kasi ‘yung pamilya Ortega, ginawa na namin lahat infact sa sobrang dami na naming ginawa, it’s above and beyond what is expected of the victim’s family.” Ani Mica.
Nais makatiyak ng pamilya Ortega na hindi mabibigyan ng special treatment ang magkapatid na Reyes sa sandaling maibalik na ang mga ito sa bansa.
Ayon kay Mica, igigiit nila na makulong sa ordinaryong kulungan sa Palawan ang magkapatid na Reyes at hindi sa National Bureau of Investigation (NBI) na tulad ng naunang napaulat.
Binigyang diin ni Mica na walang dahilan para ikulong dito sa Metro Manila ang magkapatid na Reyes dahil sa Palawan naman diringgin ang kanilang kaso.
“Sa city jail po kasi nandoon yung kumbaga parang jurisdiction dahil nandoon ‘yung kaso, nandoon ‘yung regional trial court, kinakailangan po kasing nandoon din sila para mas mabilis dahil doon din naman sila mag-aatend ng hearing hindi po sa Maynila.
May sense of pag-asa na okay uusad na tayo, gagalaw na pero kahit umaasa parang kailangan guarded pa rin po ‘yung pag-asang ‘yun dahil alam po naming na hindi natatapos dito ang laban, mahaba pa po ang laban natin at marami pa po tayong kailangan.” Pahayag ni Mica.
Apela sa DOJ
Umapela naman sa Department of Justice (DOJ) ang anak ni Dr. Gerry Ortega, ang napatay na environmentalist/broadcaster na resolbahin na ang inihain nilang motion to review noon pang 2011.
Ayon kay Mica Ortega, dapat maresolba na ang lahat ng mosyon upang magtuloy-tuloy ang pagdinig sa kasong pagpatay sa kanyang ama ngayong naaresto na ang mga itinuturong masterminds sa kaso.
Sinabi ni Ortega na kahit paano ay nabuhayan sila ng pag-asang mareresolba na ang kaso ng kanyang ama ngayong nahuli na ang mga pinaghihinalaang masterminds na sina dating palawan governor Joel Reyes at dating Mayor Mario Reyes.
“Syempre tinatapunan na nila ng kung anu-anong technicalities itong kaso at puwede po talaga itong maka-delay sa atin, una nakaka-distract siya, nakakatanggal siya ng energy, ng focus ng pamilya dahil kung anu-anong mga kaso ang inaasikaso natin sa Court of Appeals, sa Supreme Court, maliban po doon maaari po talagang maapektuhan yung ating main case, kami matagal na kaming nagmamakaawa kay Secretary de Lima, please pakisagot na ito.” Giit ni Mica.
By Len Aguirre | Ratsada Balita