Isa ang sugatan habang dalawa ang naaresto ng mga awtoridad makaraang tangkaing hagisan ng isang improvised granade ang polling center sa Marantao, Lanao Del Sur.
Ayon kay Col. Romero Brawner, commander ng 103rd infantry battalion ng Philippine Army, bagama’t wala pang pagkakakilanlan ang tatlong nasa likod ng pagsabog, tinukoy naman niya na miyembro ng MILF o Moro Islamic Liberation Front ang isa sa mga ito.
Pasado alas 4:00 ng kahapon nang tumapat sa polling centers ang sasakyan ng mga salarin kung saan, hinagis ng isang natukoy na miyembro ng MILF ang nasabing Granada.
Subalit sa halip na pumasok sa loob ng polling center ang granada, sumabit ito sa bintana ng sasakyan dahilan para masabugan ang mismong naghagis nito.
Nakaalis ng sasakyan ang dalawa at naaresto ng mga awtoridad habang sugatan ang mismong MILF member na naghagis nito na agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan at bantay sarado ng mga pulis.
Kasunod nito, aminado si Brawner na bagama’t talamak na ginagamit ang mga MILF members bilang private armed groups, hindi nila maaaring parusahan o ikulong ang nabanggit na MILF member dahil sa umiiral na Bangsamoro Organic Law.
(with report from Jaymark Dagala)