Binulabog ng dalawang pagsabog ang lalawigan ng Maguindanao sa pagsisimula at kalagitnaan ng barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong araw.
Naitala ang unang pagsabog sa labas ng munisipiyo ng bayan ng Datu Unsay, bago magsimula ang botohan kung saan isang rifle-grenade ang posibleng ginamit.
Dakong alas dos y medya naman ng hapon nang bombahin ng Moro Islamic Liberation Front ang polling center ng barangay Damakling, sa bayan ng Paglat, gamit ang m203 grenade launcher.
Inihayag ni Lt. Col. Harold Cabunoc, commander ng 33rd infantry battalion na bumagsak ang pampasabog malapit sa isang military post.
Wala namang naitalang nasugatan sa dalawang pagsabog habang sasampahan ng kaso at paglabag sa ceasefire agreement ang suspek sa ikalawang pambobomba na si MILF sub-commander Jeffrey Talusan.