Dapat madagdagan pa ang pondo at mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ito ang binigyang diin ni Senator Raffy Tulfo para lalong mapalakas pa ang naturang tanggapan.
Ayon kay Tulfo, walang abogadong tumatagal sa PAO dahil karamihan anya ay kumukuha lamang ng karanasan at saka lilipat na sa pribadong law firm.
Aminado ang senador na isa sa dahilan nito ay ang tambak na kasong hinahawakan ng isang PAO lawyer.
Sa pagku-courtesy call kay Senator Tulfo sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na sa ngayon ay nasa 2,400 lamang ang kanilang abogado kaya’t overworked ang mga ito.
Ilan din anya sa mga PAO lawyers ay nagiging piskal o hukom makalipas ang limang tao.
Kahit kulang sa bilang, sinabi ni Tulfo na umaasa siyang matitiyak pa rin ng PAO na matatrato ng tama at mabibigyan ng hustisya ang lahat ng nangangailangan ng tulong ng kanilang tanggapan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)