Mariing pinabulaanan ng isang kongresista na tumanggap sila ng pondo mula sa isang Chinese drug lord upang matiyak na maipapasa ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Rep. Rufus Rodriguez, Chairman ng House Ad hoc Committee on BBL, ito’y isang “black propaganda” lamang at hindi dapat pinapatulan ng media.
Giit ni Rodriguez, kaya lamang nila isinusulong ang BBL ay dahil nais nilang umunlad ang Mindanao at magkaroon ng kapayapaan sa naturang rehiyon.
“So kami sa Congress, bumoto kami in favor of the BBL, not because may Malaysian money, may Malacañang money, may drug money, it is because we want to achieve peace in Mindanao and economic development in Mindanao.” Ani Rodriguez.
Pork scam
Muling ipinagdiinan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na hindi siya sangkot sa pork barrel fund scam.
Ang reaksiyon ay ginawa ni Rodriguez matapos umanong lumitaw ang pangalan ng kongresista sa listahan ng mga sasampahan ng 3rd batch ng pork barrel cases sa Office of the Ombudsman.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Rodriguez na hindi siya kailanman nakipag-transaksiyon sa tinaguriang pork queen na si Janet-Lim Napoles at gayundin sa mga tauhan nito.
“I have already the NBI findings that all the 18 documents that were allegedly signed by me, were all fake and clearly we’re not involved in this.” Pahayag ni Rodriguez.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit