Itinaas ng Kongreso sa P1.9-B alokasyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa panukalang 2021 national budget.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng senate finance committee, kanilang dinoble ang pondo ng DICT para matutukan ang mas mabilis na paglalagay ng mga internet infrastructure.
Ani Angara, hindi lamang mga kalsada o gusali ang dapat tinututukan sa Build, Build, Build Program ng pamahalan kundi maging ang internet infrastructure na mas makakaakit ng mga mamumuhunan sa bansa.
Dagdag ni Angara, mula sa inisyal na panukalang P902.194-M na pondo ng DICT sa national expenditure program, dinoble nila ito at itinaas sa P1.9-B.
Sa nabanggit aniyang pondo, nasa P2.667-B ang nakalaan para sa paglalagay ng libreng wifi sa mga pampublikong lugar.
Layunin naman aniya nitong, mabigyan ng mas malawak na access sa maaasahang internet connections ang mga kabataan mag-aaral na kasalukuyang nasa distance learning system.