Pinuna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tila pagkakatulog ng mahigit P9.5-B pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Ayon kay Drilon, maituturing na misleading ang obligation rate ng AFP dahil naipalabas na nagamit na ang pondo kahit naka-tengga lang ito sa PITC sa halip na ibalik sa national treasury.
Sa isinagawang budget deliberation ng Senado sa panukalang pondo para sa Department of National Defense, binusisi ni Sen. Panfilo Lacson kung magkano ang halaga ng kontrata ng AFP sa PITC.
Sa panig naman ni Sen. Imee Marcos, sinabi nito na tila nagiging istilo na ng mga ahensya ng gubyerno na ilipat ang pondo sa isang ahensya upang hindi ito maibalik sa kaban ng bayan.
Tulad nalamang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na may P1.5-B pondo na nakatabi sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Dahil dito, hiniling ni Drilon na imbestigahan ang ganitong gawain ng mga ahensya ng pamahalaan dahil posibleng bumagsak ito sa money laundering.