Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na sapat ang pondo ng pamahalaan upang bigyang ayuda ang mga nasalanta ng bagyong Nina.
Gayunman, inihayag ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na mananatiling bukas ang kanilang tanggapan para mga ipadadalang tulong mula sa mga pribadong indibiduwal o grupo gayundin sa United Nations.
Paliwanag ni Marasigan, dumaraan sa mabusising proseso mula sa Office of the Civil Defense ang pondong ilalabas para sa isang partikular na lugar na apektadong kalamidad.
Casualties count
Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na wala pa silang inilalabas na report hinggil sa bilang ng mga nasawi bunsod ng pananalasa ng bagyong Nina.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, tulad ng pondo, dumaraan din sa pagbusisi ang mga ulat na kanilang natatanggap bago maglabas ng opisyal na datos.
Binigyang diin pa ni Marasigan, mahalagang maging maingat sa paglalabas ng mga ulat hinggil sa bilang ng mga nasawi lalo’t buhay aniya ang pinag-uusapan dito.
By Jaymark Dagala | Balita Na Serbisyo Pa