Maglalaan ng pondo ang Kamara sa ilalim ng panukalang 2021 national budget para ipambili ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Tiniyak ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano dahil masyado aniyang conservative ang P4.3-T national budget na planong isumite ng ehekutibo sa kongreso.
Sinabi ni Cayetano na maaari namang tawagin nila ang pondo sa ilalim ng panukalang 2021 national budget bilang COVID-19 related programs upang kung hindi pa rin maging available ang bakuna ay maaaring gamitin ang pera para sa testing o pagbili ng medical supplies.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi na kailangan pang bumalik ang ehekutibo sa kongreso para humingi ng dagdag na pondo.
Bukod sa vaccine funds ipinabatid ni Cayetano na nais din nilang maisama sa pambansang pondo para sa susunod na taon ang economic stimulus appropriation upang matulungan ang mga apektadong sektor na makabangon sa epekto ng pandemya.
Ang mga nasabing appropriations ay dagdag sa magiging laman ng Bayanihan 2 o planong We Recover As One Law.