Dapat ilipat na sa Calamity Fund ang mga panukalang pondo na itinuturing na Non-Essential Programs para sa susunod na taon.
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel bilang suporta sa hakbang na dagdagan ang Calamity Fund ng bansa para sa taong 2023.
Bagaman mataas anya ng 55% ang proposed P31-B 2023 Calamity Fund kumpara sa kasalukuyang taon, tiyak na kakapusin pa rin ito sa mga gastos sa relief at rehabilitation programs matapos ang malalakas na bagyong dumaan.
Ipinaalala ni Pimentel na nasa average na 20 bagyo ang dumaraan sa bansa kada taon, kaya dapat dagdagan ang pondo sa Disaster, Calamity Response at Recovery Programs.
Iminungkahi ng Senador na bawasan ang confidential at intelligence funds sa ilalim ng proposed 2023 at ire-channel para sa disaster response capabilities.
Sa ilalim ng 2023 Proposed Spending, P9.2-B ang nakalaan sa Confidential at Intelligence Funds na kinabibilangan ng P4.5 billion sa Office of the President; P806 million sa PNP; 500 million sa Office of the Vice President at P500 million sa PDEA.
Ang mga pondong ito anya ay maaaring gamitin sa pagpapalakas ng weather forecasting capabilities ng PAGASA, pagtatayo ng mga bahay na winasak ng mga bagyo at lindol at pagsasaayos ng mga kalsada at tulay. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)