Napagkasunduan na ng Senado at House of Representatives ang itinakdang pondo para sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung saan pumayag na aniya ang Senado na itaas sa P162 billion ang panukalang alokasyon para sa nabanggit na batas.
Tulad aniya ito sa inirekomendang pondo ng Kamara.
Ayon kay Drilon, nakapaloob sa Bayanihan 2 ang paglalaan ng P10 bilyong para sa COVID-19 PCR testing, P15 bilyong na cash for work program sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya.
Gayundin ang P17 bilyong cash subsidy para sa mga empleyado ng mga maliit na negosyong naapektuhan ng pandemiya at mga nawalan ng trabaho.
P50 bilyong pondo para sa loan program ng pamahalaan, P17 bilyong ayuda sa sektor ng agrikultura, P12 bilyong sa industriya ng transportasyon at P10 bilyon sa turismo.
Dagdag ni Drilon nakasaad din sa Bayanihan 2 ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy sa mga pamilya mula sa informal sector na tulad ng social amelioration program (SAP) sa Bayanihan to Heal as One Act.