Kumpiyansa si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sonny Angara na kayang pondohan ng pamahalaan ang bagong batas na nagbibigay ng libreng matrikula sa mga mag-aaral ng kolehiyo.
Ayon kay Angara, maaaring pagkunan ng pondo para sa free college tuition ang kikitain ng gobyerno sakaling maisabatas na ang isinusulong na tax reform program.
Paliwanag ng senador, P134-B ang inaasahang makokolekta ng pamahalaan sa unang taon ng pagpapatupad ng tax reform law sakaling maging batas kaya’t kakayanin nitong tustusan ang P20-B pondo para sa free college tuition.
Maliban sa edukasyon, ilalaan din ayon kay Angara ang iba pang kikitain ng gobyerno mula sa bagong buwis ang pagsasaayos ng mass transport system tulad ng MRT at LRT na gugugol ng P14-B na kukunin naman sa excise tax na ipapataw sa mga sasakyan.