May sapat na pondo ang pamahalaan na magagamit para sa mga mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pananalasa ng super bagyong Rolly sa bansa.
Ito ang tiniyak ng pamahalaan kasunod ng matinding pinsalang idinulot ng bagyo sa malaking bahagi ng Luzon gayundin sa Visayas.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Felicisimo Budiongan, gagamitin nila ang emergency relief assistance para sa mga nasalanta ng bagyo.
Gayunman, maaari rin nilang mapagkunan ng dagdag pondo ang nasa P2-B sobrang pondo mula sa social amelioration program (SAP).
Plano doon sa natirang pondo galing sa Bayanihan 1 at ito ay gagamitin sa sustainable livelihood program, mamimigay tayo para sa livelihood sa ating mga nabiktimang mga kababayan. Sabihin ng local government unit na medyo kulang na sila sa pondo and nandyan lang ang DSWD, ang ating mga field offices upang magbigay ng augmentation sa ating mga local government,” ani Budiongan.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Harry Roque, mayroon ding nakalaang pondo mula sa Bayanihan 2 act para naman sa mga nawalan ng trabaho dahil sa bagyo at pandemiya.
Nandyan din ang pondo sa Bayanihan 2, pwededng ipamigay ng ating DOLE para doon sa patuloy na nawawalan ng trabaho dahil nga dito sa bagyong ito. Nandyan ang ating TUPAD, I’m sure na matapos ang bagyong ito maraming TUPAD ang ibibigay para sa paglinis ng mga kalsada at sa pagbangon ng mga lugar na nasalanta ng bagyong Rolly,” ani Roque.