Pinasisilip na ni Senador Francis Escudero sa Commission on Audit (COA) kung paano ginamit ng gobyerno ang inilaang pondo sa pagbili ng Covid-19 vaccines simula noong 2020.
Sa deliberasyon sa panukalang 2023 budget ng COA, inihayag ni Escudero na panahon na upang magkaroon ng audit report ang ahensya sa vaccination program lalo’t malaking bahagi nito ay mula sa pangungutang ng bansa.
Ayon kay Senate Finance Committee chairman Sonny Angara, sponsor ng COA budget, sa impormasyon ng ahensya, P2.6B ang pondo mula sa General Appropriations Act ang inilaang ipambili ng mga bakuna bukod sa continuing appropriations na P6.3B.
Mayroon din anyang pondo mula sa pangungutang sa Asian Development Bank at World Bank na umabot sa mahigit P70B.
Gayunman, sinabi ni Escudero na batay sa media reports ay umabot sa P300B ang inilaang pondo ng para sa mga bakuna na hanggang ngayon ay hindi pa rin na-i-uulat kahit ng DOH dahil sa Non-Disclosure Agreement NDA sa manufacturers.
Iginiit ng Senador na hanggang ngayon ay hindi alam ng lahat ang tunay na presyo ng mga bakunang binili at gaano talaga kalaki ang pondong ginugol dito.
Nababahala si Escudero na kung makalulusot ang pamahalaan sa audit sa vaccination program sa paggamit sa NDA ay posibleng gayahin ito at gamitin ding dahilan sa mga susunod na panahon ng iba’t ibang government agency. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)