Inihirit ng Department of Health (DOH) sa mababang kapulungan ng kongreso na dagdagan ng P10-B ang pondo para sa health facilities enhancement program.
Nabatid na P45-B ang isinumite ni Health Sec. Francisco Duque III para sa naturang pondo sa ilalim ng national expenditure program.
Gayunman, nasa mahigit P10-B lamang ang inaprubahan ng department of budget para naman sa mga kagamitan at medical transport gayundin sa pagtatayo ng mga health facility sa iba’t-ibang lalawigan.
Magugunitang sinuspinde ng Kamara noong Lunes ang pagdinig hinggil sa budget ng DOH para sa susunod na taon matapos hindi masagot ng kagawaran kung paano nito ginugugol ang pondo para sa nasabing programa.
Dahil dito, nababahala si Duque na makaapekto sa COVID-19 response ang ginawang pagtapyas sa kanilang budget lalong lalo na sa pagpapatupad ng universal health care law sa maraming lugar sa bansa.