Ikinabahala ni Senate President Pro Tempore Senador Ralph Recto ang ginawang pagtatapyas ng mahigit dalawang bilyong piso sa pondong ilalaan para sa operasyon ng drug abuse treatment at rehabilitation centers sa taong 2018.
Mula sa dating 3.08 billion pesos, paglalaanan na lang ng 759.6 million pesos ang mga rehabilitation facilities na pinangangasiwaan ng DOH o Department of Health.
Giit ni Recto, dapat makapagbigay muna ang DOH ng listahan kung saan nila kukunin ang replacement fund dahil masyadong malaki aniya ang perang kakailanganin upang mapunan ito.
Binigyang diin naman ni Recto na hangga’t ang polisiya ng pamahalaan ay ‘save the users’ at hindi ‘salvage the users’, obligasyon ng gobyerno na tulungan ang mga sumusuko at nais mag bagong buhay.