Walang inilaang pondo ang Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget para sa mga driver at operator na nais bumili ng modernong Jeepney.
Sa deliberasyon ng 167 billion pesos na budget ng DOTr, natanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel kung magkano ang inilaan nito para sa subsidy program ng mga tsuper at operators.
Inihayag ni Transportation undersecretary Mark Steven Pastor na P778 million ang mungkahi pero hindi ito napabilang sa National Expenditure Program.
Gayunman, hindi ito nagustuhan ni Manuel at iginiit ang pangangailangan na malagyan ng pondo ang nasabing programa.
Hindi naman nabanggit ni Pastor ang dahilan nang kabiguang isama sa 2023 budget ng DOTr ang pondo para sa Modernization at Libreng Sakay Program.
Sa kasalukuyan, mayroong 5,300 modern Jeepney units at 300 Electric Vehicles na bumibiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.