Sagarin o gamitin muna ang napakalalaki pang pondo na hindi nagagamit ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Bayanihan 2 at 2021 national budget bago magpasa ng bagong Bayanihan.
Ito ang iginiit ng ilang senador makaraang makalusot na sa ikalawang pagbasa sa kamara ang Bayanihan 3.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, bilyun-bilyon pa ang hindi nagagamit sa pondong nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na mapapaso na sa ika-30 ng Hunyo.
Kabilang aniya sa di nagagamit ang P300-milyong subsidiya para sa mga mag-aaral.
Sinabi rin ni Sen. Sonny Angara na may halos P20-bilyon pang natitira sa Bayanihan 2 budget at ang mga ito ay nakalagak sa Department of Health, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Department of Tourism.
Paalala naman ni Sen. Grace Poe, andyan pa ang Bayanihan 2 at 2021 national budget at mayroon pa ding natirang pondo sa 2020 budget ang ngayon pa lang ginagamit.
May P110-bilyon na natira sa year 2020 national budget na inotorisa ng konggreso na gastusin hanggang sa darating na Disyembre.
Sinabi ni Poe na kapag hindi nagamit ang naturang mga pondo, ibabalik ito sa National Treasury at marami ang mapagkakaitan ng tulong. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)