Posibleng ideklara bilang national emergency sa bansa ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan o teenage pregnancy.
Ito ang inihayag ng Commission on Population and Development (POPCOM) na ikinabahala ang muling pagdami ng teenage pregnancy sa gitna ng COVID-19 pandemic, batay sa lumabas na report noong unang linggo ng Nobyembre.
Ayon sa POPCOM, maaaring nakadagdag sa pagtaas ng bilang ng nagbubuntis na kabataan ang kakulangan sa tamang impormasyon at sex education.
Maliban dito, mahalaga rin ang pagkakaroon ng access sa reproductive health products, gaya ng contraceptives at condoms, upang maiwasan ang maagang pagbubuntis at makaiwas sa sexually transmitted diseases tulad ng human immunodeficiency virus (HIV) o acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).
Samantala, isinusulong ng mga mambabatas ang house bill 79 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill upang makalikha ng pambansang polisiya para mabawasan ang mga teenage parents. – sa panulat ni Hannah Oledan