Nangangamba ang Commission on Population and Development (POPCOM) na magpapatuloy ang paglobo ng bilang ng teenage pregnancies sa bansa kung hindi kikilos at gagawa ng mga kaparaanan ang lokal at national na pamahalaan kaugnay sa isyung ito.
Ayon kay POPCOM Executive Director, Juan Antonio Perez III, posibleng pumalo sa 133, 265 ang bilang ng pamilyang pinangungunahan ng mga menor de edad na magulang sa katapusan ng taon kung hindi ito masosolusyunan ng gobyerno.
Giit ng POPCOM, ito ay seryosong usapin na kinasasangkutan ng mga kabataan na pumapasok sa ‘di planado at maagang pagpapamilya at usapin din ng physcial o sexual violence.
Dagdag ni Perez, ang mga pamilyang Pilipino na pinangungunahan ng mga batang ina o mga menor de edad, ay ang pinakadukhang pamilyang Pilipino sa ating lipunan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at projection ng POPCOM , sa nakalipas na anim na taon ,mayroon ng nasa 70,755 na pamilya sa bansa na may menor de edad na magulang.— sa panulat ni Agustina Nolasco