Hinihintay na ng daan-daang libong deboto at pilgrim ang pagdating ni Pope Francis para sa ika-100 anibersaryo ng aparisyon ng birhen ng Fatima sa Portugal.
Inaasahang aabot sa mahigit isang milyon ang bilang ng mga daragsang deboto mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Pilipinas, Mexico, Venezuela, Brazil, China at South Korea.
Bantay-sarado na rin ng mga otoridad ang mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad partikular ang mga pupuntahan ng Santo Papa.
Sinasabing anim na beses nagpakita ang birhen sa bayan ng Fatima sa pagitan ng Mayo at Oktubre taong 1917 sa tatlong mahihirap na batang pastor na sina Jacinta, 7 taon, kapatid nitong si Francisco, 9 na taon at kanilang pinsang si Lucia, 10 taon.
Nakatakdang i-canonize o gawing santo at santa ni Pope Francis sina Francisco at Jacinta kasabay ng 100 anibersaryo.
Tatlong pangunahing rebelasyon ang ipinakita ng birhen sa tatlong paslit kabilang ang babala ng pagkakaroon ng World War 2 at pamamayagpag ng “Communist Russia” sa mundo.
By Drew Nacino