Natanggap na ni Pope Francis ang ipinadalang liham sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza sa kanyang pagdating sa Roma para sa ikatlong yugto ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng NDF o National Democratic Front.
Sa kanyang Facebook post, hiniling ni Dureza sa Santo Papa kasabay ng lingguhang papal audience nito sa Vatican City na isama sa kanyang panalangin ang Pilipinas.
Sinagot naman ng Papa ang hiling ni Dureza at sinabi nito na kanya ring ipagdarasal ang Pangulo.
Magugunitang naging kontrobersyal ang naging pagmumura ng Pangulo sa Santo Papa noon panahon ng kampaniya dahil sa matinding trapik na naranasan sa pagbisita nito noong 2015.
Agad namang humingi ng paumanhin si Duterte sa Santo Papa makaraang ulanin ng kaliwa’t kanang batikos ang kanyang naging pahayag.
By Jaymark Dagala
Photo Credit: @peacegovph / Twitter