Inilarawan ni Pope Francis ang migrants at refugees bilang pinakamahina at pinakanangangailangan sa buong mundo.
Ito ang bahagi ng kanyang naging mensahe sa pagpapalit ng taon kung saan hinikayat niya ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa na tulungan ang mga ito.
Ayon sa Santo Papa, pinili niyang maging tema ang kalagayan ng migrants at refugees sa Roman Catholic Church’s World Day of Peace na ipinagdiriwang tuwing Enero 1.
Ipinabatid ni Pope Francis na ang lahat ay may karapatan na makamit ang kapayapaan.
Marami ang sumusuong sa mahabang paglalakbay maging kapahamakan man ang kanilang harapin at handang magtiis makamtan lamang ito.
Kaya’t panawagan ng Santo Papa, huwag nawang ipagdamot ang kapayapaang ito para sa kanila.
Samantala, kaugnay nito, binatikos ni Pope Francis ang hakbang ni US President Donald Trump na bumuo ng isang harang sa US border at Mexico para hindi makapasok ang mga illegal immigrants.