Mariing kinondena ni Pope Francis ang nangyaring pagpapasabog sa cathedral sa Jolo Sulu na ikinasawi ng hindi bababa sa labing walo (18) katao.
Ayon kay Pope Francis, hindi katanggap-tanggap ang nangyaring karahasan na nagdulot ng pagdadalamhati sa Christian community.
Kasabay nito nagpaabot ng panalangin si Pope Francis sa mga nasawi at nasugatan sa insidente gayundin para sa pagpapanibago sa puso ng mga nasa likod ng pag-atake.
Hindi bababa sa labing walo (18) ang nasawi habang mahigit walumpung (80) iba pa ang sugatan sa kambal na pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral pasado alas-8:30 ng umaga, kahapon.
Batay ito sa tala ng WESMINCOM o Western Mindanao Command, bagama’t mas mataas ang bilang ng Police Regional Office–ARMM kung saan dalawampu (20) na ang patay at isang daan at labing isa (111) naman ang sugatan sa insidente.
Kabilang sa mga nasawi ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard at limang sundalo.
Ayon kay Wesmincom Spokesperson Col. Gerry Besana, nangyari ang unang pagsabog sa loob ng cathedral habang isinasagawa ang isang misa na sinundan naman ng panibagong pagsabog sa bahagi ng parking lot.
Sinabi ni Besana, sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumabas na grupong Adjang-Adjang ng Abu Sayyaf Group na siyang nag-ooperate sa lugar ang nasa likod ng pag-atake batay na rin sa narekober nilang kuha ng CCTV.
Posible aniyang paghihiganti ang motibo ng mga ito matapos mapatay ang isang sub-leader ng Abu Sayyaf noong nakaraang taon.
—-