Mainit na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vatican Secretary for Relations with States and International Organizations Archbishop Paul Gallagher sa Malacañang bilang bahagi ng limang araw na pagbisita ng Vatican official sa Pilipinas.
Sa kanyang courtesy call, ipinaabot ni Archbishop Gallagher ang pagbati ni Pope Francis kay Pangulong Marcos at sa sambayanang Pilipino.
Aniya, nagpapasalamat si Pope Francis sa mga Pilipino para sa kanilang mga kontribusyon sa Simbahang Katolika, hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa buong mundo.
Ipinahatid din ni Pangulong Marcos ang kanyang malugod na pagbati sa Santo Papa, habang binigyang-diin niya ang masigla at matibay na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Holy See na itinatag mula pa noong 1951.
Sa usapin naman ng kinakaharap na isyu ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, nanawagan si Archbishop Gallagher sa pagkakaroon ng mapayapang solusyon at pagsunod sa international law.