Nasa bansang iraq na si Pope Francis para sa kaniyang makasaysayang pagbisita sa labas ng Vatican sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito rin ang kauna-unahang pagbisita ng isang Santo Papa ng Simbahang Katolika sa nasabing bansa na kung saan, dominante ang mga Muslim.
Apat na araw tatagal ang pagbisita ni Pope Francis sa Iraq at isa sa pinakaaabangan dito ay ang pakikipagpulong niya sa shia Muslim cleric.
Kasunod nito, tutunguin din ng Santo Papa ang mga sinaunang komunidad ng mga kristiyano sa nabanggit na bansa.
Sa kaniyang pagharap kay Prime Minister Mustafa Al-Kadhemi, umapela si Pope Francis na itigil na ang extremism at karahasan sa nasabing bansa.
Iginiit ng Santo Papa na ang pagkakaisa sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano ang siyang pinakamimithi ng lahat upang ganap nang matamo ang kapayapaan sa mundo.