Nanindigan si Pope Francis sa kanyang pagtutol hinggil sa pagpapatupad ng capital punishment o parusang bitay.
Sa isang video message ng Santo Papa sa Anti-Death Penalty Congress sa Norway, sinabi nito na malinaw ang ika-limang utos ng Diyos na thou shalt not kill o huwag kang papatay.
Binigyang diin pa ng Santo Papa na isang uri ng paglabag sa buhay at kalooban ng Diyos ang pagpatay at wala itong silbi para sa pagpaparusa.
Batay aniya sa turo ng simbahan, pinapayagan lamang ang pagpatay kung may panganib sa isang buhay na dapat ipagtanggol o pangalagaan.
Ngunit sinabi ng Santo Papa na hindi dapat iwaglit sa isipan ng lahat na maging ang mga kriminal ay binigyang buhay din ng Diyos kaya’t tanging siya lamang ang dapat kumuha nito.
By Jaymark Dagala