Umapela na ng panalangin sa lahat ng mamamayan sa mundo si Pope Francis para sa lahat ng biktima ng karahasan matapos ang pag-atake ng ISIS sa Paris, France.
Iginiit ng Santo Papa na “hindi solusyon ang galit at karahasan sa problema ng sangkatauhan at hindi rin dapat gamitin ang pangalan ng Diyos bilang pananggalang dahil isa itong kalapastanganan.”
Kadalasang binabanggit ng ISIS maging ng iba pang Muslim terror group na handa silang mamatay at pumatay sa ngalan ni Allah at labanan ang mga mapang-api sa mga kapanalig sa Islam.
Halos 130 katao na ang nasawi sa pamamaril at suicide bombing ng mga pinaniniwalaang ISIS sympathizer sa Paris bilang ganti umano sa military action ng France sa Syria at Iraq.
By Drew Nacino