Isinailalim na sa state of calamity ang munisipalidad ng Porac sa Pampanga kasunod ng pagtama ng magnitude 6.1 na lindol na naramdaman sa ilang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Porac Mayor Carling Dela Cruz, agad na nagsagawa ng session sina Vice Mayor Dexter Albert David at mga miyembro ng Sangguniang Bayan para maideklara ang state of calamity sa munisipalidad.
Ito ay upang magamit na rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund sa pabibigay ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na lindol.
Batay sa pinakahuling tala ng mga otoridad, hindi bababa sa lima (5) katao ang nasawi sa Porac matapos gumuho ang isang apat na palapag na supermarket sa nasabing bayan.
Samantala, irerekomenda naman ni Pampanga Governor Lilia Pineda sa sangguniang panglalawigan ang pagdedeklara na ng state of calamity sa buong lalawigan ngayong araw.
Aniya, ilang mga lugar sa Pampanga ang matinding naapektuhan ng lindol kabilang na ang mga simbahan at ilang mga establisyemento.
Search and rescue ops sa Porac, patuloy
Tuluy-tuloy ang search and rescue operations para sa tatlumpu (30) kataong na trap sa Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos ang magnitude 6.1 na lindol kahapon.
Pasado alas-2 ng madaling araw nang makuha ang limang (5) survivor na kaagad isinugod sa ospital matapos magtamo ng matinding pinsala at pawang nasa state of shock.
Kaagad namang nagpadala ang Philippine Red Cross ng siyam (9) na ambulansya, rescue vehicle at halos tatlumpung (30) staff at volunteers sa Porac.
Ang puwersa ng Red Cross ay tumutulong na sa rescue operations sa nasabing bayan na matinding napinsala ng lindol.
Sa panulat ni: Judith Estrada-Larino