Tila hindi na napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang sarili kaya’t namagitan na ito sa mga nangyayari sa mababang kapulungan ng kongreso.
Ito ang paniniwala ng political analyst na si Professor Clarita Carlos kasunod ng umiinit na usapin hinggil sa house speakership sa pagitan nila Taguig City Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.
Ayon kay Carlos, hindi malayong magdeklara na lang ng revolutionary government ang Pangulo kung hindi aniya magtitino ang kongreso na sumasabay pa sa mga problema ng bansa lalo ngayong may pandemya sa COVID-19.
Naniniwala rin si Carlos na hindi liderato kung hindi ang mga isinisingit na pork barrel ng mga mambabatas sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon ang pinag-aawayan at pinagpapatayan ngayon ng mga mambabatas.