Napatunayan ni Senador Panfilo Lacson na buhay pa rin ang pork barrel fund sa inaprubahang General Appropriations Act o national budget para sa taong ito.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, mismong ang mga mambabatas mula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang umaming may tig-limang milyong pisong makukuha ang mga kongresista mula sa Mindanao.
Lumabas aniya ito nang umapela sa kanya ang mga nasabing mambabatas hinggil sa pinatatanggal niyang isa’t kalahating bilyong piso para sa mga tinukoy na proyekto ng mga kongresista.
Dahil dito, binatikos ni Lacson ang administrasyong Duterte dahil sa aniya’y pagbabago lamang ng mga nakinabang sa pondo mula sa Liberal Party (LP) patungo sa mga kongresista ng Mindanao.
Calamity fund
Ibinunyag ni Senator Ping Lacson na malaki ang natapyas sa panukalang calamity fund para ngayong 2017.
Giit ni Lacson, maaaring hindi sapat ang naaprubahang budget para matugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Lacson, ang orihinal na pondo para sa National Disaster Risk Reduction and management sa ilalim ng special purpose fund ay P37.255 billion sa national expenditure program na isinumite sa Kongreso.
Gayunman, binigyang diin ni Lacson na ibinaba ang pondo sa P15.755 billion sa inaprubahang General Appropriations Act.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez