Tuloy ang paghimok ng grupong Laban Konsyumer Incorporated sa mga mamimili na magpatupad ng “pork holiday”.
Ayon kay Laban Kosyumer President Vic Dimagiba, ito ay hangga’t patuloy na pinapasan ng mga mamimili ang sobrang taas na presyo ng mga karne partikular ng baboy.
Sinabi ni Dimagiba, dapat gamitin ng mga consumers ang kanilang market power hanggang sa makitang sumusunod ang merkado sa ipinatutupad na price ceiling sa karne.
Iginiit ni Dimagiba, masasabi lamang na na-exercise ng mga mamimili ang kanilang karapatan kung ang presyo ng mga karne sa pamilihan ay bumaba na sa lebel ng itinakdang price cap.
Maliban dito, mariin ding tinututulan ng Laban Konsyumer ang panukalang bababan ang buwis sa mga pork products na gumagamit ng imported na karne.
Ani Dimagiba, dapat alagaan din ng pamahalaan ang lokal na industriya kaya dapat maging pantay sa pagpapataw ng buwis ang lokal at imported na product at hayaan ang mga consumers kung saan bibili.