Pormal nang naglabas ng subpoena ang Senado laban kay Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng kampo ni Faeldon na hindi dadalo ang Bucor Chief sa ipinatawag na pagdinig ng senate blue ribbon committee bukas, Setyembre 2.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, pirmado ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang subpoena laban kay Faeldon at ipinaalala rito na isasailalim siya sa contempt sakaling magmatigas na hindi dumalo.
Giit ni Gordon, mahalagang dumalo si Faeldon sa pagdinig dahil siya ang nakapirma sa release papers para sa halos 2,000 inmates ng New Bilibid Prisons kabilang na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez at sa apat na Chinese convicted drug lords
Magugunitang itinanggi ni Faeldon na sa kaniya ang pirma sa release order at ikinagulat pa niya nang ilabas ito ng pamilya ni Sanchez na may petsang Agosto 20.