Nagdulot ng matinding pinsala sa Port of Glan sa Sarangani Province ang naganap na magnitude 7.1 na lindol kaninang umaga.
Sa ulat ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago kay DOTR Undersecretary Cesar Chavez, binanggit na nagkabitak-bitak ang mga dingding at tiles ng Passenger Terminal Building o PTB.
Dahil dito, inirekomenda ni Santiago ang pansamantalang pagpapasara sa nabanggit gusali dahil hindi na ito ligtas gamitin.
Maging ang wharf ay sinasabing nagkaroon din ng pinsala habang lumubog naman ng labing limang (15) sentimetro ang lumang pier sa naturang bayan.
Isang gusali sa GenSan gumuho matapos ang lindol
Gumuho ang isang gusali sa General Santos City matapos na tamaan ng magnitude 7.2 na lindol ang Sarangani kaninang pasado 4:00 ng umaga.
Tinatayang apatnapung (40) taon nang nakatayo ang gumuhong gusali sa Santiago Boulevard Corner Cagampang Street.
Wala naman napaulat na nasaktan ngunit nadamay ang tatlong (3) fruit stand na nakapwesto sa harap ng gusali.
Apektado rin ng lindol ang tanggapan ng mayor kung saan nabasag ang glass door nito at nagkaroon pa ng malaking bitak sa pader.
Ilang oras ding nawalan ng kuryente sa mga lugar na tinamaan ng lindol ngunit naibalik na rin sa ngayon.
Nanatili namang nakaantabay ang mga residente sa tabing dagat dahil sa takot sa tsunami sa kabila ng pagkansela ng PHIVOLCS sa tsunami alert.
Samantala, wala naman naitalang damages sa mga paliparan sa Davao, Zamboanga, Pagadian, Laguindingan, Ozamis at General Santos City.
By Jelbert Perdez / Rianne Briones