Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP o Philippine National Police na may sapat na deployment sa Surigao City at kalapit na bayan para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mamamayan.
Sinabi ng Pangulo na bukod sa aftershocks ng tumamang magnitude 6.7 na lindol, dapat ding mabantayan ang mga residente roon laban sa mga looter na naghahanap ng makakain o mananakaw.
Sa ngayon ay nagkukulang ang suplay ng tubig sa Surigao Del Norte at hindi inaalis ang posibilidad na magkaroon ng looting.
Pinag-iingat din ang publiko sa posibleng aksidente mula sa mga nalalaglag na debris sa mga napinsalang gusali at istruktura.
Sapat na suplay ng petroleum products pinatitiyak ng Pangulo
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Energy o DOE na tiyaking may sapat na suplay ng petroleum products gaya ng gasolina, diesel, kerosene at LPG sa Surigao Del Norte matapos ang dinanas na malakas na lindol noong Biyernes.
Pinababantayan din ng Palasyo kay Energy Secretary Alfonso Cusi ang presyo ng langis sa mga apektadong lugar dahil posibleng samantalahin ng ilang tusong negosyante kahit pa umiiral ang “price freeze”.
Ipinabatid naman ni Cusi na sa mga ganitong sitwasyon ay obligadong magbigay ng update ang mga oil company ng operational status ng kanilang depots at gasoline stations sa mga lugar na naapektuhan ng lindol para ma-stabilize ang sitwasyon.
By Meann Tanbio |With Report from Aileen Taliping