Iniimbestigahan pa ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na napasok ng ibang grupo o mga militante ang hanay ng mga magsasakang nag-aalburuto sa Kidapawan City.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, uubra namang magkausap ng maayos ang magkabilang panig subalit nagtataka sila at naging marahas ang mga magsasaka at inukupahan pa ang isang pangunahing kalsada sa kanilang kilos-protesta.
“Kung posible ngang mayroon, na napasakun nga ito, dahil kung ang hiling lang naman ng ating mga kababayan kumbaga sa bigas lang o pagkain bakit naging ganun ang sitwasyon, nagkainitan eh puwede naman itong pag-usapan, ang pangyayaring pong yun ay nagkaroon naman ng masusing dayalogo at ang ating Kapulisan dun ay andun lamang para lang ma-clear ang road na yun.” Pahayag ni Mayor.
Direct assault case
Umaabot sa 80 katao ang kinasuhan ng direct assault ng Kidapawan City Police na sangkot sa marahas na dispersal sa nasabing lungsod noong Biyernes.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, nakakulong na ang 72 sa mga ito habang ang 8 iba pa ay nasa ospital.
Dinepensahan din ni Mayor ang Civil Disturbance Management Unit ng Pambansang Pulisya.
Iginiit ni Mayor na unarmed o walang armas ang CDM Unit.
Tiniyak naman ng opisyal na iimbestigahan nila ang sinasabing armado umano ng live ammunition ang mga pulis na idineploy sa Kidapawan.
By Judith Larino | Ratsada Balita | Meann Tanbio